Ito ang sinabi kahapon ng isa sa mga prosecutor sa naturang kaso na si Makati Congressman Joker Arroyo na nagsabing alam ng mga kinauukulan na ang pagpasa ng isang motion ay isang pamilyar at lumang teknik na ginagamit para mabimbin lang ang pagdinig ng kaso.
Malinaw anya ang isinasaad ng Konstitusyon na ang Kongreso ay may eksklusibong kapangyarihang panimulan ang impeachment at ang Senado naman ang may kapangyarihang duminig sa kaso.
"Saka hindi naman nakasaad sa rules ng Senado na pinapayagan ang motion to dismiss. Pero kung aaksyunan ito ng Senado kahit walang probisyon kaugnay dito, malaking gulo ito," sabi ni Arroyo.
Binanggit niya na, sa halip na ang Pangulo ang nasa paglilitis at nagpapaliwanag, ang Kongreso naman ang siyang gigisahin sa sarili nitong mantika. "Isang malinis na panlilinlang," sabi ng mambabatas.
Naniniwala rin si Bohol Congressman Ernesto Herrera na delaying tactics lang ang naturang hakbang ng Malacañang dahil sa pag-aakalang lalamig sa pamamagitan nito ang init sa ulo ng publiko.
Idiniin naman ni Senador Raul Roco na ang paghaharap ng naturang motion to dismiss ng mga abogado ni Estrada ay isang pag-amin sa kinakaharap nitong kaso.
Sinabi ni Roco na ang naturang hakbangin ay nagpapatotoo lamang sa mga akusasyon laban sa Pangulo kaya ayaw ng mga abogado nito na matuloy ang paglilitis. (Ulat nina Marilou Rongalerios at Doris Franche)