Ito ang inihayag kahapon ni House Speaker Manny Villar na nagsabing, bagaman walang probisyon sa Konstitusyon tungkol sa snap election, inatasan pa rin niya ang isang legal team na pag-aralan ang mungkahi na inihain ni Cagayan Rep. Jack Enrile kasunod ng resolusyong inihain ng ama nitong si Sen. Juan Ponce Enrile sa Senado kaugnay ng naturang halalan.
"Dapat tayong sumunod sa prosesong nakapaloob sa Konstitusyon. Pero, sa ngayon, inutos ko na sa isang legal team na pag-aralan ang posibilidad na magdaos ng snap election," sabi pa ni Villar na naglinaw na layunin ng hakbanging ito na maiwasan ang pagsiklab ng mga demonstrasyon o madugong protesta sa lansangan.
Sinabi naman ni Justice Secretary Artemio Tuquero sa isang hiwalay na panayam na, hanggat tumatangging magbitiw sa puwesto ang Presidente at Bise Presidente, walang basihan para magpatawang ng snap election ang Kongreso.
Sa kanyang talumpati sa pamamahagi ng titulo ng lupa sa mga iskuwater sa Dagat-Dagatan, Caloocan City sinabi ng Pangulo na hindi siya bababa sa puwesto dahil inihalal siya ng masa.
"Mga suwapang sila, sinusuwerte sila. Hindi ako bababa sa puwesto hanggang 2004," sabi ng Pangulo.
Samantala, kinuha ng Pangulo si dating Chief Justice Andres Narvasa para mamuno sa kanyang grupo ng mga abogado na magtatanggol sa kanya sa impeachment na inihain laban sa kanya sa Kongreso.
Pumalit si Narvasa kay dating Solicitor General Estelito Mendoza na umayaw sa naturang trabaho dahil sa taglay nitong sakit.
Kaugnay din nito, iginiit kahapon ni Subic Bay Metropolitan Authority Chairman Felicito Payumo na dapat mangibabaw ang proseso ng Saligang-Batas sa mga reklamong inihain laban sa Pangulo.
Nagpahayag si Payumo ng pangamba na baka maging Banana Republic ang bansa kapag hindi nasunod ang tadhanain ng Konstitusyon. (Ulat nina Marilou B. Rongalerios, Grace R. Amargo, Ely Saludar at Gemma Amargo)