Mamumuno sa imbestigasyon si DILG Acting Undersecretary for Administration Anselmo Avenido Jr..
Ginawa ni Lim ang utos dahil sa akusasyon ni Ilocos Sur Governor Luis "Chavit" Singson na nakikinabang umano si Santiago sa operasyon ng jueteng sa Tarlac.
Ginawa ni Singson ang pagbubunyag sa ginagawang imbestigasyon ng Senado sa akusasyon ni Singson na tumatanggap ng payola sa jueteng si Pangulong Joseph Estrada.
Sinabi ng kalihim na dapat lang imbestigahan ang sinumang opisyal ng DILG na isinasangkot sa iskandalo ng jueteng.
Mariing pinabulaanan ni Santiago ang akusasyon ni Singson.
Sinabi ni Santiago na idinadawit lang siya ni Singson dahil hindi ito kinampihan ng kanyang asawa sa imbestigasyon ng Senate Blue Ribbon Committee.
Idinagdag ng undersecretary na desperado lang si Singson kaya kung sino-sino ang isinasangkot nito. Binanggit niya na dalawang opisyal ng DILG sa Ilocos Sur ang inirekomenda niyang tanggalin sa puwesto dahil sa nakumpiskang blue book ng jueteng payola sa kanila noong Hulyo.
Naunang inatasan ni Lim si Santiago na imbestigahan si Singson dahil sa pag-amin nito na isa itong bagman sa operasyon ng jueteng sa Luzon.
Pero sinasabi naman ni Singson na walang moral na karapatan si Santiago na siyasatin siya dahil sangkot din ito sa jueteng payola. (Ulat ni Rudy Andal)