Ginawa ni Herrera ang pahayag kasunod ng desisyon kamakalawa ng Pangulo na bitawan ng pamahalaan ang mga sugal na tulad ng casino at bingo at ibenta sa pribadong sektor ang PAGCOR.
Sinabi pa ni Herrera na, kahit buwagin ng Pangulo ang lahat ng uri ng sugal, hindi ito mangangahulugan na ligtas na ito sa pinaplanong impeachment laban dito.
Idinagdag niya na posibleng ibenta ang PAGCOR sa dati nitong Bingo 2-Ball consultant Charlie "Atong" Ang at ibenta naman ang Philippine Charity Sweepstakes Office sa kaibigang negosyante ng Pangulo na si Dante Tan.
"Ang problema rito ay ang pagkakasangkot niya sa bribe-taking at hindi ang PAGCOR mismo. Nagsimula na lamang ang gulo nang pumasok ang mga taong may mga kahina-hinalang karakter," dagdag ni Herrera na pinapatungkulan ang akusasyon ni Ilocos Sur Governor Luis "Chavit" Singson na tumanggap ng payola mula sa Jueteng si Estrada.
Samantala, sinabi kahapon ni Isabela Congressman Heherson Alvarez ng oposisyong Lakas-NUCD-Kampi na limang kongresistang miyembro ng makaadministrasyong Lapian ng Masang Pilipino at isa pang mambabatas mula sa Maynila ang takda ring lumagda at mag-endorso sa impeachment complaint laban sa Pangulo.
Kinilala ni Alvarez ang lima na sina Roger Sarmiento ng Compostela Valley, Manuel Garcia ng Davao City, Rodrigo Duterte ng Davao City, Simeon Kintanar ng Cebu at Pantaleon Alvarez ng Davao del Norte. Sasama rin sa kanila si Joey Hizon (Manila) ng Liberal Party.
Sinabi pa ni Alvarez na may 70 mambabatas na ang sumusuporta sa impeachment. (Ulat ni Marilou Rongalerios)