TAON 2009 - Tawid-bakod. For a change, naisipan kong subukan naman ang magtrabaho sa ABS-CBN. Bilang kakatapos ko lamang mag-aral, sabik ako na sumubok ng mga panibagong bagay, makihalubilo sa bagong mga tao, maging ang magtrabaho sa ibang network. Nagkaroon ng Momay, Magkano ang Iyong Dangal at Lumayo Ka Man Sa akin. Aral: Change can be good. Mahahasa ang iyong pakikisama sa mga tao kapag nakakasalamuha mo ang iba’t ibang tao. Minsan kailangan mong lumabas sa iyong comfort zone.
2010 - Ang pagdating ng hindi inaasahan. Habang nadarama kong palusong na ang karerang muli kong sinimulan sa panibagong Istasyon ay isang malaking pagsubok naman ang dumating sa akin -- ang aking pagbubuntis. Oo, pinangarap ko ang magkaroon ng anak nang maaga. Pero hindi ko naman inakalang ganoon kaaga pala darating. Aral: Be careful what you wish for. Maging maingat sa iyong mga pasya at kilos sa buhay. Mabilis magbunga ang mga ito.
2011 - Year of the rabbits. Isinilang ang aking munting anghel na kapareho kong kuneho rin. Sa parehong taon ay nasimulan at naitaguyod ko ang aking baking business. Lahat nang pinakamagagandang pangyayari ay naganap sa taong ito. Ang pinakamahalaga sa lahat ay nakilala ko ang Panginoon. Aral: Lahat ng pangit at masakit sa buhay ay mapapalitan nang magaganda at masasaya basta tama ang iyong ginagawa.
2012 - Homecoming. Agosto nang bumalik ako sa aking home network - ang GMA 7. Napakapalad kong tinanggap nila akong muli. Kaya naman napakasaya kong ipinagdiwang ang aking ika-10 taon ng pagiging isang aktres sa istasyong nakadiskubre sa akin. Aral: Kung gusto maraming paraan. Kung pagsisikapan, iyong makukuha.
2013 - Primetime. Napakapalad ko na sa aking pagbabalik sa GMA 7 ay napagkalooban kaagad ako ng papel sa isang napakalaking proyekto - ang Temptation of Wife na pinagbidahan ni Primetime Queen Marian Rivera. Prebilehiyo at biyayang maituturing ang hirangin bilang si Tiya Madel ng kilalang Korean Telenovela na ito na ginawan ng Philippine version ng Kapuso Network. Nagmarka sa mga tao ang karakter ni Madel. Aral: Wala Siyang hindi ibibigay sa iyo kung iyo lamang hihingin. Kung para sa iyo, mapapasaiyo.
2013 - My Husband’s Lover. Wala hindi nakakaalam kung ano ang programang MHL. Ito lang naman ang yumanig sa buong Pilipinas dahil sa mapangahas na paksa, tema, mga eksena, linya at takbo ng istorya. Blessing na mapabilang ako sa nasabing programa bilang si Vicky Araneta, ang BFF ni Lally. Di ko ikakailang mas nakilala ako ng mga manonood dahil sa MHL. Aral: Kapag may ibinigay sa iyong malaki at magandang pagkakataon, pagbutihin mo para dumami ang biyaya.