3 tiklo sa drug raid sa Sorsogon

MANILA, Philippines – Arestado ang tatlong hinihinalang tulak ng droga sa lungsod ng Sorsogon sa operasyon ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) kamakailan.

Pinangalanan ni PDEA director general Arturo Cacdac Jr. ang mga suspek na sina Judy Labalan, pampito sa listahan ng drug personalities sa Sorsogon; Vilma Diaz at Marites Maximo, pawang resiente ng Barangay Burabod, Sorsogon.

Nagsagawa ng buy-bust operation ang pinagsamang puwersa ng PDEA Regional Office 5 at Sorsogon City police noong Marso 26 bandang 11:40 ng gabi na nagresulta sa pagkakahuli kina Labalan at Diaz.

Nabawi mula sa mga suspek ang isang pakete ng shabu at P1,000 na marked money na ginamit sa transaksyon.

Samantala, nadakip si Maximo sa bisa ng search warrant sa kanyang bahay sa Sitio Bagsangan, Barangay Burabod, Sorsogon City.

Nasamsam sa bahay ni Maximo ang pitong pakete ng hinihinalang shabu, iba’t ibang drug paraphernalia at ilan pang pakete na naglalaman ng latak ng ilegal na droga.

Pero bigong mahuli ng mga awtoridad sina Janrey Gabito Iglesia at Pokoy Domino na nakatakas.

Show comments