MANILA, Philippines – Nanawagan si Finance Secretary Cesar Purisima sa mga bagong abogado na tulungan ang gobyerno na masiguro ang tamang pagbabayad ng buwis ng mga Pilipino.
Ipinaabot ni Purisima ang kanyang pagbati sa mga nakapasa sa bar exams at hiniling sa mga ito na magbayad ng tamang buwis at huwag tulungan ang kanilang mga kliyente na malusutan ito.
"Congratulations to our successful bar examinees. As new lawyers, I hope that you start your careers by promising to pay the right amount of taxes and not to help clients evade taxes. If you do so, then you would have passed the higher bar of good citizenship not just good lawyering,†pahayag ni Purisima na inilabas ng kagawaran ngayong Huwebes.
Sinabi pa ng kalihim na dapat ay maging tapat ang mga propesyonal sa lahat ng industriya sa pagbabayad ng buwis.
Sinabi ng DOF na ang kanilang koleksyon mula sa self-employed, business at professionals (SEP) ay 8 porsyento ng kabuuang individual income tax collections ng 2009, pero inaasahan nilang bababa ito sa 6.8 porsyento para sa 2012.
Inamin ng kagawaran na mababa talaga ang bilang ng nagbabayad ng tamang buwis sa SEP dahil sa business expense deductions, maling paghahain ng income tax returns at maling pagbibigay ng opisyal na resibo.
Noong 2011, 402,934 katao mula sa SEP ang nagbayad ng karaniwang P33,441 sa buwis. Target ng DOF at Bureau of Internal Revenue na makakuha ng average collection na P200,000 mula sa 1.8 milyon na katao mula sa SEP na magreresulta sa P360 bilyon collection revenue.
"I also would like to urge all new entrants to the workforce as well as their seniors in their professions to pay the correct taxes. A stronger tax effort must be bolstered by the brightest among us,†sabi ni Purisima.