PATAY na si Mama Mayette. Ang sabi ng doktor na tatlong buwan na itatagal nito ay naging mas maikli at walang dapat sisihin kundi si Mayette na rin mismo. Siguro, sadyang ganoon ang ginawa ni Mayette para matapos na ang paghihirap niya. Gusto na niyang mamatay.
Nang matagpuan niya ang katawan ni Mayette na wala nang buhay, napaluha siya sapagkat malaki ang naging bahagi ni Mayette sa buhay niya. Hindi niya malilimutan ang mga nagawa ng matrona sa kanyang buhay.
Ngayon ay siya naman ang magsisilbi kay Mayette sa pamamagitan nang pagsasaayos sa katawan nito. Isinaayos niya ang pagbuburol kay Mayette. Wala namang problema sapagkat marami na siyang pera. Ngayon ay siya naman ang gagastos sa babaing kumupkop sa kanya. Bibigyan niya nang maayos na burol at libing si Mayette.
Ilang araw pinaglamayan si Mayette. Wala siyang nalalaman na mga kamag-anak ni Mayette. Wala naman itong naikuwento sa kanya noong nabubuhay pa. Maaaring sa probinsiya. Ang madalas niyang marinig kay Mayette ay mayroon silang ari-arian sa Oas. Naisip ni Troy na maaaring taga-Oas si Mayette. Pero walang dumating na kamag-anak si Mayette.
Hanggang sa ipasya ni Troy na ilibing na ang matrona. Hindi na kailangan pang patagalin pa dahil wala namang hinihintay.
Nang wala nang mga tao sa memorial park, taimtim na umusal ng dalangin si Troy sa puntod ni Mayette.
Nagpasalamat siya sa mga nagawa ni Mayette. Walang tigil sa pag-usal ng pasasalamat at nangangakong hindi malilimutan ang kanilang nakaraan. Ipinangako ni Troy na laging dadalawin ang puntod.
Madilim na nang umalis si Troy sa memorial park.
Nang dumating siya sa bahay, doon niya naramdaman ang grabeng lungkot. Nag-iisa na siya sa bahay na ito. Hindi niya alam ang gagawin ngayong wala na ang may-ari ng bahay na ito. At alam ni Troy, ang may higit na karapatan sa bahay na ito ay si Kreamy.
Kung iwan na lang kaya niya ang bahay na ito? Wala na siyang kailangan pa rito dahil maaari na siyang bumili kahit condo. Bakit pa siya sisiksik sa bahay na ito?
(Itutuloy)