NAKALIMUTAN na ni Troy si Kreamy. Wala na siyang interes dito. Wala na rin siyang pakialam sa babaing pawang kasinungalingan ang pinagsusulat sa diary. Kung mayroon man siyang dapat paniwalaan, walang iba kundi si Mama Mayette. Kung may babae man na dapat siyang pag-ukulan ng pagmamahal, walang iba kundi si Mayette. Si Mayette ang kumupkop sa kanya. Ito ang nagpakain, nagbihis at nagpaaral sa kanya. Natutuhan na niya itong mahalin. Wala na siguro siyang ibang mamahalin pa kundi si Mayette. Iyon nga lang, hindi niya ito maaaring pakasalan. At saka, wala rin namang balak si Mayette na umabot sa ganoon ang kanilang relasyon. Tama na para sa kanya na magkasama sila sa iisang bubong.
NAKATAPOS ng pag-aaral ng Fine Arts si Troy. Nagtapos siya nang may karangalan. Tuwang-tuwa si Troy sapagkat natupad niya ang pangarap. Napatunayan niyang walang imposible sa taong gustong mabago ang buhay.
Pero mas natutuwa si Mayette sa pagtatapos ni Troy. Inaamin ni Mayette, habang tinatanggap ni Troy ang diploma sa stage, maligayang-maligaya siya. Iyon umano ang pinaka-maligaya niyang naranasan sa buong buhay niya. Parang hindi pa rin siya makapaniwala na napagtapos niya sa pag-aaral si Troy.
Sa isang kilalang restaurant sila nag-celebrate.
“Sige umorder ka nang lahat ng gusto mo, Troy.”
“Ikaw na, Mayette. Kung ano ang orderin mo, okey sa akin.’’
“Hindi puwede. Ikaw ang umorder. Sige na, Troy.’’
Umorder si Troy.
Nang kumakain na sila masayang-masaya si Ma-yete habang nagsasalita.
“Ikaw ang pinakamahusay sa klase n’yo kaya sigurado ako, madali ka ring makakakita ng trabaho.’’
“Marami ring mas mahusay sa akin, Mayette.’’
“Mag-aaplay ka agad ng trabaho, Troy?”
“Oo. Meron na ngang bos-sing ng advertising agency na tumawag sa akin. Mag-report daw ako sa Lunes.’’
“Hindi ka muna magpapahinga?”
“Hindi na. Gusto ko trabaho agad. Gusto ko makabayad sa mga utang sa’yo.’’
“Narinig ko na naman ‘yan. Huwag ka ngang OA, Troy.’’
Ngumiti lang si Troy.
MADALING nagkatrabaho si Troy. Sa isang malaking ad agency siya natanggap.
Pero mula nang magkatrabaho siya, may napansin siya kay Mayette. Nalulu-long ito sa alak. Lagi na lamang lasing.
(Itutuloy)