May isang Pangit (27)

“PERO sa kabila ng mga ikinukuwento o isinusumbong ni Janice ukol sa among pulitiko, wala namang reaksiyon si Mulong. Hindi nito pinapansin sapagkat ang alam niya ay talagang mabait ang pulitiko. Ang alam ni Mulong ay matulungin ang pulitiko. Nakikita kasi niya ang mga ginagawa ng pulitiko na pagtulong sa mga kababayan nito na nasalanta ng bagyo o baha. Laging bukas sa pagdamay ang pulitiko. Kaya kahit kuwento nang kuwento si Janice sa mga palihim na sulyap o tingin ng pulitiko ay walang sinasabi si Mulong. Hindi iyon dapat pansinin.

“Pagkukuwento pa ni Janice, nagtataka rin daw siya kung bakit dalawang babae lang sila na katulong sa bahay. Siya at si Nena na halos kasing-edad niya ang naroon. Si Nena ang labandera at tagalinis ng bahay. Maganda si Nena. Mas nauna lang si Janice ng ilang araw nang i-hire si Nena. Nagtataka si Janice kung bakit hindi pa sila pinagsama ni Nena sa kuwartong tulugan. Ayon kay Janice, kakalug-kalog siya sa kuwarto. Mas maganda kung nagsama na sila ni Nena sa kuwarto para mayroon siyang kakuwentuhan lalo na sa gabi.

‘‘Pero ang sabi ni Mulong, siguro raw kaya hindi sila pinagsama sa kuwarto ay dahil balak daw ni Nena na isama ang anak. Kasi’y biyuda na pala si Nena. Ang asawa nito ay dati ring drayber ng pulitiko. Narinig daw niya ang usapan ni Nena at ng among pulitiko.

‘‘Halos lahat ay kinukuwento ni Janice kay Mulong. At talagang madalas daw niyang napapansin na may kakaibang kilos ang pulitiko kapag silang dalawa lamang ang nasa kitchen. Kapag daw nag­luluto siya ay bigla itong lalapit sa likuran niya at pipisilin ang kanyang puwit. Parang nanggigigil daw. Magugulat siya sa ginawa ng pulitiko. At ang pulitiko naman daw magso-sorry sa ginawa. Hindi daw niya sinasadya ang pagpisil sa puwit. Pero malaki ang hinala ni Janice na malaki ang pagnanasa sa kanya ng pulitiko. Kumbaga ay hindi na nito mapigilan ang sarili.

“At gaya ng dati, wala namang gaanong reaksiyon si Mulong sa kuwento ng asawa. Talaga raw mapagbiro ang pulitiko. Huwag na raw pansinin at wala namang ginagawang masama.

“Ikinuwento pa rin ni Janice na mayroon siyang napapansing kakaiba kapag nasa loob ng banyo at naliligo. Para bang nararamdaman niya na mayroog nakatutok na kamera sa kanyang katawan habang siya ay hubo’t hubad na naliligo. Pero masusi naman niyang ininspeksiyon ang kabuuan ng banyo at wala naman siyang makita. Pero talagang malakas ang kutob niya na may nanonood sa kanya at nagpapakasawa sa kanyang hubad na katawan…”

(Itutuloy)

Show comments