PERO agad na nakaisip ng dahilan si Thelma.
“Mahirap akong mabuntis. Sabi ng doktor na tumingin ay madalas daw natatapon ang semelya. Basta kakaiba raw ang matris ko. Hindi na naming itinanong pa kung bakit ganoon.”
“Mabuti naman at kahit isa ay nakabuo.”
“Mabuti nga at nabuo si Trev. Kung hindi e nag-iisa ako ngayon at wala man lamang mag-aalaga sa pagtanda ko.’’
Napatangu-tango lang si Trevor. Pero hindi pa rin natapos sa mga pagtatanong.
‘‘Nang maaksidente ba si Delmo, buntis ka na?’’
‘‘Oo. Kabuwanan ko nang maaksidente siya at mamatay. Akala ko nga, manga-nganak ako nang mabalitaan ang nangyari sa kanya.’’
‘‘Alam naman pala niya na nakabuo siya.’’
“Oo. Hinihimas pa nga niya ang tiyan ko. Sabi niya, kapag naipanganak na ang anak namin, magpapainom siya. Lahat daw ng mga kasamahan niyang traysikel drayber ay iimbitahin niya.”
“Sayang ano at hindi niya nakita ang anak. Siguro kung buhay siya ngayon at makikita niya ang anak ay baka mamangha siya. Nagkaroon kasi siya ng anak na matalino at balang araw ay magiging magaling na abogado.’’
Napakagat-labi si Thelma. Gusto niyang sabihin na siguro’y hanggang doon lang talaga ang buhay ni Delmo para hindi na nito matuklasan ang kataksilan na nagawa niya —nila ni Trevor. Madaling araw nang maganap ang kataksilan nila.
“Bakit natigilan ka Thelma?”
Nagulat si Thelma.
‘‘Wala, Trevor. May bigla lang akong naisip.’’
‘‘Mayron lang akong gustong malaman, Thelma.”
“Ano Trevor?”
“Tungkol sa nangyari sa atin noong madaling araw na wala si Delmo at namamasada ng traysikel…’’
Napamaang na naman si Thelma. Bakit nauwi na naman sa ganito ang usapan nila? Ayaw na sana niyang balikan ang nangyari dahil nakokonsensiya siya.
‘‘Bakit pinasok mo ako sa kuwarto Thelma? Ibig bang sabihin niyon ay hindi mo mahal si Delmo?’’
Napakagat-labi si Thelma.
“Gusto ko lang malaman ang lahat. Labing-anim na taon na ang nakararaan pero hanggang ngayon ay palaisipan pa rin sa akin kung bakit ipinagkaloob mo sa akin ang iyong pagkababae...’’
(Itutuloy)