Takaw (92)

“AYAW ko nang pag-usapan ang malulungkot,” sabi ni Trevor at naka-ngiting humarap kay Mam Mina.

“Ako rin kung minsan ayaw ko nang balikan ang mga pangit na nakaraan kaya lang may mga pagkakataon din na maiisip mo…”

“Huwag na tayong mag-usap ng malulungkot.”

“Anong pag-uusapan natin.”

“Kahit ano?”

Nag-isip si Mam Mina. Napagmasdan ang mga retratong naka-frame na nakapatong sa may gilid ng TV. Picture ng mga magulang ni Trevor.

“Sila bang mga parents mo?”

“Oo.”

“Kamukha ka pala ng dad mo.”

“Yung iba sabi kamuk- ha ako ng mommy ko.”

“Mas hawig ka sa dad mo. Guwapo e.”

“Guwapo ba ako?”

“Oo naman.”

“Ikaw palang ang nagsabing guwapo ako. Maski ang mommy ko, hindi ko narinig na sinabing guwapo ako.”

Hindi nagsalita si Mam Mina. Kanina, napagkasunduan nilang huwag balikan ang nakaraan pero eto at nauungkat na naman ang nakaraan ni Trevor.

“Huwag kang magagalit, Trevor, bakit naghiwalay ang mom at dad mo?”

Napangiti lang si Trevor. Parang bantulot kung sasagutin o hindi ang tanong.

“Unfair ka kapag hindi mo ako sinagot. Lahat ng sekreto ng buhay ko, nakalkal mo na, e ang sa’yo wala pa akong alam.”

“Akala ko hindi na natin pag-uusapan ang nakaraan.”

“Hindi nga natin maiiwasan na hindi balikan ang kahapon. May kaunti lang tayong pag-usapan, tiyak may mata-touched. Parang facebook ang buhay di ba? May masagi ka lang na kakilala magko-connect na.”

Nagtawa lang si Trevor. Propesora nga kung magbigay ng halimbawa ang babaing kaharap niya. At ganito ang gusto niyang babae. Gusto niya ay may malalim na pag-arok sa buhay.

“Ano Trevor, sagutin mo na ako.”

Wala nang dahilan pa para maglihim si Trevor. Magiging unfair nga siya kay Mam Mina.

“Nagtaksil si mommy. Nahuli ni daddy. Tapos ang maliligayang araw namin.”

“Ganun lang?”

“Gusto mo idetalye ko pa.”

“Kaunti lang.”

“Ang naging ka-affair ni mommy ay dati niyang siyota noon. Nagkita sila habang nasa isang conference. Nagkabalikan. Hanggang sa madiskubre ni Daddy. Nagtapat na si mommy na wala na siyang pag-ibig kay daddy. Yun…”

Nakatingin si Mam Mina kay Trevor. Napagtuunan niya ng tingin ang magagandang mata ni Trevor na ngayon ay may bahid ng lungkot. May kuwento pala sa likod ng malulungkot na mga mata ni Trevor.

(Itutuloy)

Show comments