UMATRAS ang mga pulis at ilang SWAT team nang senyasan ni Jamias. Pero napansin ni Jamias na mayroon nang nakakalat sa ibat ibang bahagi ng restaurant na iyon.
"Wala nang mga pulis, maaari ka nang lumabas. Iiwan mo ang patalim. Akong bahala sayo," sigaw ni Jamias sa lalaki.
Nakarinig ng pagkilos si Jamias. Kilos pa rin na hindi mapalagay sa loob.
Saka ay nakarinig siya ng pagpihit sa seradura. Dahan-dahan.
Umalerto si Jamias. Isinuksok ang baril sa baywang. Kung gagawa ng hindi magandang hakbang ang lalaki nakahanda siya. Magagamit niya ang nalalaman sa martial arts.
Sumungaw ang lalaki. Hawak ang patalim. Alerto si Jamias. Alam niya ang isang may sakit sa pag-iisip ay wala nang kontrol. Kung ano ang maisip ay gagawin.
"Halika. Pag-usapan natin ang problema. Akinang patalim mo."
Pero nang hahakbang na ang lalaki, isang miyembro ng SWAT ang nakita ng lalaki. Nagpanic ito. Nataranta sa pagkakitang babarilin siya.
Sa isang iglap ay nagsaksak sa katawan ang lalaki. Para bang sumaksak sa punong saging. Walang patumangga.
Bagamat nagimbal si Jamias, mabilis niyang nadayb ang lalaki at napigilan sa pagsaksak pa rin sa sarili. Naagaw ang patalim at saka lamang natahimik. Nawalan ng malay ang lalaki. Tigmak ang dugo sa tiyan, Nagdatingan ang iba pang mga pulis. Mabilis na sinugod sa ospital ang lalaki.
Saka lamang nakahinga nang maluwag si Jamias. Isang panibagong karanasan na naman ang nadagdag sa kanyang listahan.