NAKATULALA ako nang dumating si Inay galing sa comfort room at kinakausap na pala ako ay hindi ko naririnig dahil sa paglipad ng isip sanhi ng paglapit ni Cris.
"Magkano nga ang babayaran mo sa school sa Lunes, Marisol?"
Hindi ko narinig ang tanong na iyon. Inulit pa ni Inay at saka lamang ako bumalik sa katinuan.
"Sino bang iniisip mo?"
"Wala po Inay," maliksi kong sagot para hindi makahalata, "naalala ko lang yung teacher naming masungit." Dugtong ko pa at nagkunwari akong natatawa.
"Magkano ba ang babayaran mo sa school dun sa project nyo?"
"Binayaran ko na Inay."
"Saan ka kumuha ng pera?"
"Hndi ko lahat ginagastos ang ibinibigay mong baon sa akin. Para makatulong ako sa inyo kahit papaano. Alam ko naman, binibigyan mo si Ate Neng ng pera..."
Hindi umimik si Inay pero sa pakiramdam ko, nakaramdam siya ng gaan dahil sa pag-aalala ko na nahihirapan siya sa sitwasyon at sa problemang dulot ni Ate Neng.
"Pagbutihan mo na lang ang pag-aaral mo. Para naman makaahon tayo," sabi at nakita kong bahagang namula ang mga mata na parang maiiyak.
"Ganyan nga ang ginagawa ko Inay."
"Huwag kang gagaya sa Ate Neng mo na maagang lumandi. Huwag kang magpapaligaw. Sa ganda mong yan, tiyak marami na ang humahanga sa iyo."
Sa sinabing iyon ni Inay naalala ko si Cris na kanina lamang ay may binili sa aming tindahan. Nang ngumiti si Cris nang tanungin kung meron kaming tindang tokwa ay napansin ko ang mapuputi at pantay-pantay na ngipin. Neat na neat. Kahit na tumutulong sa kanyang ina sa pagtitinda ay parang laging bagong paligo.
"Umuwi ka na muna para makapag-aral ka ng leksiyon mo. Baka may assignment ka pa. Hayaan mo na ako rito. Mamayang alas-siyete, sunduin nyo ako ni Dang dito ha?"
Sinunod ko si Inay. Sa paglabas ko ay sa may tindahan nina Cris ako napadaan. Iyon lang kasi ang malapit na daan palabas ng palengke. Hindi sinasadya na nagkatinginan kami. Nginitian ako. Tipid na ngiti ang iginanti ko. Hindi ko alam kung bakit masayang-masaya ako sa oras na iyon.(Itutuloy)