Binata inutas

Kidapawan City, Philippines  - Nauwi sa trahedya ang sana ay masayang ‘Disco ng Bayan’ matapos na pagbabarilin ang isang binata na ikinasugat ng dalawang iba pa sa bayan ng Makilala, North Cotabato kahapon ng madaling araw.

Dead-on-the-spot sa insidente ang 23 anyos na biktimang si Procopio Opeleña, habang sugatan ang kapatid nitong si Raymart, 19, at pinsan na si John Mark Lagang, 21; pawang mga residente ng Brgy. San Vicente, Makilala.

Sa salaysay sa mga awtoridad ni Rick Albores, kaibigan ng mga biktima naglalakad sila pauwi sa kanilang tahanan matapos na dumalo sa disco ng bayan ng pagbabarilin ng dalawang lalaking lulan ng motorsiklo dakong alas- 2 ng madaling araw.

Natukoy naman ang gunman na si Roger Cabigay umano’y miyembro ng Barangay Peacekeeping Action Team (BPAT), habang ang isa pang suspek ay si Dodong Amores na residente rin ng lugar.

Lumilitaw sa imbestiga­syon na bago ang insidente ay nagkaroon ng rambulan ang grupo ng mga biktima at ng mga suspek kung saan natalo ang mga suspek kaya rumesbak. Isinailalim na sa kustodya ng pulisya si Amores habang pinaghahanap pa ang kasamahan nito.

Show comments