Fil-Chinese trader utas sa ambush

MANILA, Philippines - Patay ang isang negosyanteng Filipino-Chinese matapos pagbabarilin ng hindi pa nakilalang mga armadong motorcycle riding in tandem habang lulan ng behikulo sa Brgy. Poblacion, Trento, Agusan del Sur nitong Huwebes ng gabi.

Kinilala ni CARAGA Police Spokesman Sr. Supt. Martin Gamba ang biktima na si Edgar Yungco, 49- taong gulang at residente ng Purok 3, Afga, Sibagat, Agusan del Sur.

Ang biktima ay idineklarang dead-on-arrival sa Bunawan District Hospital matapos masapul ng mga tama ng cal. 45 pistol sa katawan.

Sinabi ni Gamba, kasalukuyang lulan ang biktima ng kaniyang Isuzu forward nang dikitan ng riding in tandem sa isang kulay pulang SYM motorcycle na walang plaka ang behikulo ng biktima sa kahabaan ng nasabing lugar bandang alas-6 ng gabi.

 Armado ng cal. 45 pistol ay agad na pinagbabaril ng mga salarin ang biktima kung saan inubos sa behikulo nito ang tatlong cartridge ng bala ng naturang armas bago mabilis na nagsitakas patungo sa hindi pa malamang destinasyon.

 Narekober naman sa crime scene ang mga basyo ng bala ng nasabing armas habang patuloy ang masu­sing imbestigasyon ng pulisya sa motibo ng krimen.

Show comments