MANILA, Philippines - Nauwi sa trahedya ang isang ‘camp retreat', matapos na malunod ang isang pastor at ang 12-anyos na batang tinangka nitong sagipin sa karagatan ng Lingayen beach sa Brgy. Maniboc, Lingayen, Pangasinan kamakalawa.
Kinilala ang mga nasawing biktima na sina Pastor Ruben Toquero at Reden Gacutan, 12; pawang ng Religious Ministry.
Sa ulat na nakarating kahapon sa Camp Crame, nagsagawa ng camp retreat sa lugar ang mga miyembro ng Religious Ministry ng mangyari ang insidente.
Nabatid sa mga nakasaksi sa pangyayari, nakita ng Pastor na nagkakawag sa tubig ang bata kasama ang 15-anyos na si Fatima Duncab bunga ng matataas na alon sa Lingayen Gulf dahilan sa matataas na alon.
Agad na sumaklolo ang Pastor na nagawang mailigtas si Duncab pero nalunod ito kasama si Gacutan; pawang narekober ang bangkay ng nagrespondeng search and rescue team.