SAN ANTONIO, Zambales, Philippines – Nakatakdang manumpa bilang bagong alkalde ng San Antonio, Zambales si Dr. Estela Deloso-Antipolo makaraang ideklara ng Comelec na siyang nanalo sa mayoralty race laban kay dating Mayor Romeo Lonzanida noong Mayo 2010.
Sa 6-pahinang desisyon ng Comelec En Banc na pinamumunuan ni Chairman Sixto Brillantes, Jr. pinawalang bisa ang proklamasyon ni Lonzanida bilang nanalong mayor noong nakaraang eleksyon.
Batay sa rekord, kinansela ng Comelec 2nd Division ang certificate of candidacy ni Lonzanida base na rin sa ipinalabas na resolusyon noong Pebrero 18, 2010.
“Respondent Lonzanida was never a candidate for the position of Mayor of San Antonio, Zambales. Consequently, Antipolo, who remains as the sole qualified candidate should now be proclaimed as the duly elected Mayor,” pahayag ng Comelec.
Inatasan na rin ng Comelec na bakantihin ni Vice Mayor Efren Racel Aratea ang pagiging alkalde at mapayapang isalin ang tanggapan ng Mayor kay Antipolo.
“Ang desisyon ng Comelec sa nagpapawalang bisa sa kandidatura ni dating Mayor Lonzanida at pagkilala sa kanya bilang tunay na nanalong mayor ay napakalaking tagumpay sa bayan ng San Antonio at makakaasa ang mamamayan ng tunay na pagmamahal at paglilingkod sa kanila, “ pahayag ni Antipolo.