4 nasagip sa lumubog na bangka

BATANGAS CITY, Philippines — Isang linggo makalipas lumubog ang M/V Beleno 9 sa karagatan malapit sa Isla Verde sa Batangas, isa na namang bangka ang nilamon ng dagat sa na­banggit na lugar kung saan nasagip ang apat na sakay nito kahapon ng tanghali.

Kinilala ni Lt. Commander Troy Cornelio, ku­mander ng Batangas Coast Guard, ang mga survivor na sina Aaron Feranco, 21; John Sheriff Feranco, 18; Aiko Feranco, 20 at si Jordan Tiamsim, 18, pawang residente ng coastal ba­rangay sa Isla Verde, Ba­tangas City.

Ayon kay Aaron, luma­yag sila mula sa Isla Verde patungo sanang Batangas City bandang alas-11:45 ng umaga nang hampasin nang malalakas na alon pagsapit sa may Matuko Point hanggang sa lumu­bog ang kanilang bangka bandang alas-12:30 ng tanghali.

Masuwerte na lang at nakakapit sila sa kapi­rasong kawayan habang nagpalutang-lutang sa ka­ragatan hanggang sa ma­daanan sila ng Super­Cat 23 bandang ala-1:15 ng hapon.

“ Buti na lang nakita nila kami nung iwinagayway namin ang mga damit namin sa ere habang naka­lutang kami sa dagat,” ani Aaron.

Dinala sa Batangas Port ang mga survivor para lapatan ng first aid at wala namang nagtamo ng gra­beng pinsala.

Samantala, nagsa­sa­gawa pa rin ng search and rescue operation ang Philippine Coast Guard at Philipine Navy sa kara­gatan ng Batangas at Min­doro at kalapit coastal ba­rangay nang naturang lalawigan para hanapin pa ang mga nawawalang pasahero ng M/V Baleno 9 na lumubog noong Sabado ng gabi. Arnell Ozaeta

Show comments