Napilitang mag-emergency landing ang aircraft ng Cebu Pacific Airways ma tapos magkaroon ng engine trouble habang nasa ere, may 10 milya ang layo nang mag-take off ito patungong Caticlan via Kalibo, Aklan kahapon ng umaga.
Dahil sa pagiging alerto ng piloto na nakilalang si Capt. Tomas Torres at co-pilot na si Capt. Richard Muyot, nailigtas sa tiyak na kapahamakan ang may 53 pasahero at apat na crew na sakay ng CEB flight 5J-893 dahil sa agarang pagdedeklara na may problema sa makina at nagawang makabalik ng nasabing eroplano sa NAIA 3 dakong alas-7:22 ng umaga.
Sa tinanggap na report ni Manila International Airport Authority General Manager Al Cusi, umalis sa Maynila ang 5J-893 bandang alas-7:12 ng umaga at may 10 minuto lamang itong nakakalayo nang mag-report ang dalawang piloto na babalik sa NAIA sanhi ng umano’y pagluluko ng kanang makina habang nasa ere.
Karamihan sa pasahero ay mga turista at bakasyunista papuntang Boracay island.
Matapos na makabalik sa NAIA, agad silang binigyan ng travel voucher para sa panibagong CEB flight patungong Caticlan matapos ang dalawang oras na pag-aantay sa paliparan. (Ellen Fernando)