CAMP VICENTE LIM, Laguna – Dalawa-katao ang iniulat na namatay samantalang dalawamput limang iba pa ang nasugatan matapos mahulog sa bangin ang pampasaherong bus sa South Luzon Expressway sa Barangay San Vicente, San Pedro, Laguna noong Martes ng madaling-araw.
Kabilang sa mga nasawi ay sina Asuncion Clemente, 40, ng Valenzuela City at kawani ng Land Transportation Office sa Imus district regional office at Wilson Oliveros ng San Juan City.
Naisugod naman ang mga sugatan sa Evangelista Hospital at Family Care Hospital sa bayan ng San Pedro, Laguna.
Ayon sa ulat, binabagtas ng Jac Liner Bus (PWN-559) na minamaneho ni Avelino Morales ang kahabaan ng SLEX patungong Cubao mula sa Lucena City nang banggain sa likuran ng isang cargo truck (WTE-458) na minamaneho ni Florencio Oliveros pagsapit sa Sitio Maligaya, Barangay San Vicente, San Pedro bandang alas-12:05 ng madaling-araw.
Dahil sa pagkakasalpok at basa ang kalsada, nawalan ng control ang bus kaya nagtuluy-tuloy na nalaglag sa bangin ng may lalim na 15-talampakan. Arnell Ozaeta at Ed Amoroso