SAN FERNANDO CITY, La Union – Posibleng maitala sa Guinnes Book of World Records ang ginawang “Operation Tuli” ni Dr. Jessie Miranda sa 640 kabataan mula sa 59 barangays sa San Fernando City, La Union noong Sabado.
“I’m not tired! Nag-enjoy nga ako eh,” pahayag ni Dr. Miranda na nakangiti habang palabas ng operating room sa City Health Office sa 2nd floor ng Marcos Bldg kung saan isinagawa ang pagtuli sa mga kabataan may edad 4 hanggang 15-anyos mula sa 59 barangays.
Napag-alamang sinimulan ni Dr. Miranda ang “Operation Tuli” ganap na alas-8:15 ng umaga hanggang alas-4:05 ng hapon na may 30-minutong break (12:30-1:00 ng tangahali)
Base sa tala, aabot sana sa 998 kabataan pasyente ang sasailalim sa operasyon, subalit sa hindi inaasahan, ang iba ay maagang umuwi dahil hindi preparado at ang iba naman ay kabado.
“Dapat mas marami pa akong matutuling kabataan dahil target kong tapusin sa alas-5 hanggang alas-6 ng hapon,” dagdag pa ni Dr. Miranda.
Aabot sa 66 kabataan ang na-circumcise ni Dr. Miranda sa loob ng unang oras kung saan aabot sa limang segundo ang naitalang pinakamabilis na natuli sa katauhan ng isang 8-anyos na bata.
Si Dr. Miranda na isang law graduate at dating pangulo ng Gay Society La Union ay three-term councilor sa nasabing lungsod at inaasahang makikipag-ugnayan sa CHO sa pamamagitan nina Dr. Eduardo Posadas at Mayor Pablo Ortega para makapasok sa Guinness. Jun Elias