Lolo ginilitan ng senglot

OLONGAPO CITY – Napaaga ang salubong ni kamatayan sa isang 67-anyos na lolo makaraang gilitan ng leeg ng kanyang kapitbahay na senglot sa Barangay Baretto, Olongapo City kamakalawa ng gabi. Sa ulat na nakalap mula kay P/ Senior Supt. Abelardo Villacorta, Olongapo City police director, kinilala ang biktima na si Alfredo Aresgado ng Purok 5, Mangahan Street ng nabanggit na barangay. Arestado at pormal na kinasuhan ang suspek na si Ariel Bungay, 27. Ayon sa ulat ni P/Insp. Vicente Gabarda, hepe ng PCP 6, napagtripang pasukin ng suspek ang bahay ng pamilya Aresgado kung saan pinuntirya sa mukha ang matanda.Tinangkang awatin ng batang Aresgado ang suspek subalit maging siya ay sinutok sa mukha kaya kaagad naman ipinaabot sa himpilan ng pulisya ng mga kaanak ang insidente. Nang rumesponde ang pulisya ay napaslang na ang biktima.  Alex Galang

Show comments