Babaerong pulis inaresto

CAMP CRAME  — Hindi nagdalawang isip ang isang babaeng pulis na arestuhin ang kaniyang mister na isa ring pulis makaraang maaktuhang kasama ang kerida nito sa Cadiz City, Negros Occidental, kamakalawa.

Ayon sa policewoman na itinago sa pangalang Cynthia, determinado siyang sampahan ng kasong adultery ang kaniyang mister na si PO3 Jefferson Mercano ng 6th Provincial Mobile Group at ang kinakasamang babae.

Sa salaysay ni Cynthia, naaktuhan niya si Mercano na kasama ang kerida nito sa loob ng kanilang tahanan sa Barangay 3 sa Cadiz City. “Hinihintay ko lamang ang tamang panahon. ’Yun talaga ang tamang panahon, na­abutan ko sila. caught in the act talaga… matapos maligo”, pahayag ng policewoman.  Sinabi naman ni P/Chief Inspector Jefferson Descallar, chief ng Cadiz City PNP, may basehan ang reklamo ni Cynthia sa ilalim ng probisyon ng Republic Act 9262 o ang Anti-Violence Against Women Act. Ayon kay Cynthia, hindi na niya masi­sikmura ang pambabae ng kanyang mister kung saan ay umabot na sa hangganan ang kaniyang pasensya. Inamin pa nito na bago ang insidente ay may iba pang babae ang kaniyang mister na sa kabila ng minsan na niya  itong nahuli at pinatawad, subalit hindi pa rin natuto at nakipag­relasyon sa isa ring babaeng pulis na nabuntis pa nito. Maliban dito, ay pisikal rin siyang inaabuso ni Mercano na tumanggi namang magkomento sa reklamo ng kanyang misis. Joy Cantos

Show comments