Base sa ulat, unang nakasagupa ng militar ang grupo ng mga rebelde sa bahagi ng Barangay Quezon sa San Carlos City, Negros Occidental matapos na dumaan ang truck na lulan ang mga armadong kalalakihan sa itinayong checkpoint ng 303rd Infantry Battalion.
Napag-alamang tinangkang parahin ng mga tauhan ng Alphan Company ng 303rd Brigade sa pamumuno ni 1st Lt. Ricardo Villaruel ang Canter truck na may plakang WKZ-471, subalit pinagbabaril ng mga rebelde ang nakaposisyong sundalo.
Dito na nagsimula ang madugong bakbakan hanggang sa bumulagta ang limang NPA na ang isa ay nakilalang si "Ka Atoy", platoon leader ng Regional Sentro de Gravidad-Komiteng Rehiyon sa Negros.
Nasamsam sa pinangyarihan ng sagupaan ang limang matataas na kalibre ng baril at 19 na backpack na naglalaman ng subersibong dokumento.
Kasunod nito, apat namang sundalo ng 58th Infantry Battalion ng Phil. Army ang iniulat na nasawi makaraang tambangan ng mga rebeldeng New Peoples Army sa kahabaan ng highway na sakop ng Sitio Tagbilidib, Barangay Mararag sa bayan ng Marihatag, Surigao del Sur kahapon ng umaga.
Base sa ulat ni P/Chief Supt. Antonio Dator, PNP regional director, lulan ng Army truck ang mga sundalo ng 58th IB patungong bayan ng Tandag, Surigao del Sur nang pagbabarilin ng mga rebelde bandang alas-7 ng umaga.
Kinumpirma naman ni Col. Arturo Manalo, commanding officer ng 23rd Infantry Battalion sa Sibagat, Agusan del Sur na may naganap na pananambang sa nabanggit na tropa ng militar, subalti pansamantalang hindi naibigay ang pagkikilanlan ng mga sundalong napatay dahil sa pawang abala ang militar sa pagtugis sa tumatakas na grupo ng rebelde. (Joy Cantos at Ben Serrano)