Anakpawis na pinatay sa balita, buhay

Camp Crame Matapos ang dalawang taon, isang miyembro ng Anakpawis na napaulat na dinukot at pinaslang diumano ng mga tauhan ni Major Jovito Palparan ang nadiskubreng buhay pala at nasa isang lugar lamang sa Bongabong, Oriental Mindoro.

Ayon kay Task Force USIG Chief Deputy Director General Avelino Razon Jr., taliwas sa sapantaha ng militanteng grupo ay buhay na buhay ang 22-anyos na si Edwin Alfaro.

Si Alfaro ay napaulat na dinukot ng diumano’y mga armadong tauhan ni Palparan noong Abril 13, 2004 ay isa pa lamang Colonel at dating Commander ng 204th Infantry Brigade sa Oriental Mindoro.

Nabatid na may nakakita kay Alfaro na tahimik na namumuhay sa piling ng kaniyang pamilya sa bayan ng Bongabong ng nasabing lalawigan kaya’t agad nila itong inireport sa pulisya na masusi namang nagsagawa ng beripikasyon.

Base sa report ni Inspector Arturo Divino ng Bongabong Municipal Police Station (MPS), sinabi ni Razon na taliwas sa mga maling balita na ipinakakalat ng militanteng grupo ay buhay at hindi biktima ng summary execution ng military ang nasabing Anakpawis partylist member. (Joy Cantos )

Show comments