TIAONG, Quezon Naging mitsa ng kamatayan ng isang 45-anyos na negosyante ang pagtanggi nitong magbayad ng chit sa videoke bar matapos na barilin ng kanyang kainuman ng alak, kamakalawa ng gabi sa Barangay Poblacion 2 ng bayang ito. Duguang bumulagta ang biktimang si Prudencio Mangubat ng Barangay Quipot, samantala, tugis ng pulisya ang suspek na si Ben Magundayan. Sa imbestigasyon ni PO3 Rodelio Pana-panaan, nagtalo ang dalawa sa loob ng Kubo-kubo ni Mang Oca videoke bar tungkol sa pagbabayad ng nainom na alak at pulutan. Iginiit ng suspek na dapat na magbayad ang biktima at nauwi sa mainitang komprontasyon hanggang sa maganap ang krimen.
(Ulat ni Tony Sandoval) P.1-M naholdap sa kolektor |
DINALUPIHAN, Bataan Aabot sa P.95 milyong cash at tseke ang tinangay sa isang 32-anyos na kolektor ng kompanya matapos na holdapin ng mga hindi kilalang lalaki habang ang biktima ay naglalakad sa bahagi ng Solidom Subdivision sa Barangay New San Jose, Dinalupihan, Bataan kamakawala ng umaga. Kinilala ni P/Senior Insp Rogelio Rillion, hepe ng Dinalupihan Municipal Police Station, ang biktimang si Garezaldy Misa, area collector ng Ace Classics Inc. sa Bataan at residente ng #267 Panamitan, Kawit, Cavite. Sa ulat ni PO1 Rommel Magtoto, tinapatan ng motorsiklong may lulan ng dalawang hindi kilalang lalaki. Nagdeklara ng holdap ang dalawang lalaki sabay tutok ng baril sa biktima at dahil sa takot ay naibigay nito ang bitbit na bag na naglalaman ng nasabing halaga na koleksyon at isang cellphone.
(Ulat ni Jonie Capalaran) CAMP PANTALEON GARCIA, Cavite Tinatayang aabot sa P.3-milyon ari-arian ang nasikwat ng mga hindi kilalang lalaki matapos na pasukin ang computer shop sa bahagi ng Barangay Poblacion, Rosario, Cavite, kahapon ng madaling-araw. Napag-alaman kay PO3 Felipe Gomez, sa pagitan ng alas-4 ng madaling-araw nang pasukin ng mga kawatan ang Internet café na pag-aari ni Guillermo Gutierrez. Ayon pa sa ulat, winasak ang apat na padlock ng nasabing establisamento at tinangay ang lahat ng computer. Wala naman nakasaksi sa naganap na insidente sa hindi nabatid na dahilan.
(Ulat ni Cristina Timbang) Paglilinaw sa napatay na mag-asawa |
KAMPO SIMEON OLA, Legazpi City Isa katao lamang ang kumpirmadong nasawi sa naganap na engkuwentro ng 91st Recom Company ng Phil. Army at mga rebeldeng New Peoples Army (NPA) sa Barangay Buyo, Virac , Catanduanes noong Linggo ng madaling-araw. Ayon kay Major Ramon Rosario ng Civil Relation Service na nakatanggap sila ng impormasyon na mag-asawa ang napatay sa naganap na bakbakan, subalit sa isinagawang pagsisiyasat isa lamang ang positibong nasawi na kinilalang si Edwina Magno, aka Binay. Samantala, ang asawa ni Edwina na si Noel Magno, aka Jorge Magno ay nasugatan lamang at binitbit ng kanyang mga kasamahan sa pagtakas matapos ang madugong sagupaan.
(Ulat ni Ed Casulla)