Kasalukuyang nakabinbin sa opisina ng Ombudsman ang reklamo ng mga guro laban sa tatlong opisyal ng Gallanosa National High School.
Base sa reklamo ng nasabing samahan, hindi maipaliwanag ng tatlong opisyal kung saan napunta ang pondo na kinokolektang bayad kada araw mula sa pinauupahang mga stall sa loob ng naturang eskuwelahan.
Kabilang din sa reklamo ng mga guro ay ang P551,000 pondo para sa taunang operasyon ng nasabing paaralan.
Ang patuloy na pangungulekta ng paaralan ng mas mataas na miscelaneous fees na nagkakahalaga ng P130 noong 2003-2004, P230 noong 2004-2005 at P280 sa taong kasalukuyan.
Sobra na rin anilang naaantala ang pagre-remit ng GSIS contribution pati na ang government share sa nasabing ahensiya na umaabot ng 29 buwan na nagkakahalaga ng P1.8 milyon sa taong 2001 at 2002 na nagiging dahilan ng 2% interest na ipinapataw sa mga empleyado.
Hindi rin anila nag-iisyu ng opisyal na resibo ang tatlong opisyal para sa tinanggap ng paaralan na taunang 40% share mula sa GNHS Cooperative.
Umaasa ang samahan na agaran itong aaksiyunan ng Ombudsman upang agad nilang makamit ang minimithing katotohanan. Hindi naman makontak ang tatlong opisyal na inirereklamo para magbigay ng kanilang panig. (Ulat ni Ed Casulla)