Sa ipinalabas na press statement ng RHB noong Marso 1, 2005, pinasinungalingan ng tagapagsalita na si Red Olalia ang pahayag at bintang ni Calimlim na gagamitin ng mga smugglers ang serbisyo ng RHB bilang hired assassins sa pagpatay sa reporter na ito upang ang krimen ay ibintang daw sa hepe ng ASTF.
Ayon pa sa ulat, na maagang naghuhugas kamay si Calimlim sa mismong plano nitong paglikida sa PSN reporter at kung sakaling may mangyari ngang asasinasyon ay ibibintang sa naturang grupo.
Nakasaad sa pahayag ni Olalia, na pinamagatan nitong "Calimlim is conjuring a plot in making fortunes in smuggling," na may nagaganap na malaking away sa loob ng samahan ng mga smuggling syndicate na kumikilos sa Freeport.
Isinasangkalan umano ni Calimlim ang posisyon nito bilang hepe ng anti-smuggling sa Subic upang monopolyohin at angkinin ang lahat ng negosyo ng smuggling sa Freeport na tinawag na "Calimlim-Task Force Subic Corporation" at insidente namang nadadamay ang ilang mga responsableng media practitioners sa kanilang "inter-corporate war."
Sinabi pa ni Olalia, bilang ex-chief ng Intelligence Services of the Armed Forces of the Philippines (ISAFP), ginagamit nito ang pagkabihasa sa psy-war operations sa paglikha ng plano sa umanoy kanyang mga ka-kumpetensya sa negosyo ng smuggling sa bansa.
"Upang maisakatuparan ang kagustuhan ni Calimlim sa loob ng Subic Bay Freeport ay tatakutin ang mga reporter na may negatibong isinusulat laban sa kanya," dagdag pa ni Olalia. (Ulat ni Jeff Tombado)