US fugitive nasakote sa Mindoro

ORIENTAL MINDORO – Nagwakas ang 20-taong pagtatago sa batas ng isang pugante sa US na pumatay ng sariling asawa noong Agosto 1984 makaraang matunton ang pinagtaguan nito ng mga awtoridad sa Camilmil, Calapan City, Oriental Mindoro.

Kasalukuyang nakapiit sa National Bureau of Investigation (NBI) ang suspek na si Geronimo M. Zuñiga, alyas Hemi Zuñiga, 53 at pansamantalang naninirahan sa Barangay Gutad, Calapan City.

Lumilitaw sa imbestigasyon, si Zuñiga ay nag-migrate sa U.S. noong 1980 at naging asawa niya si Lilian Zuñiga.

Base sa ulat, noong Agosto 29, 1984 ay napatay ng suspek ang kanyang asawa dahil sa matinding pagseselos. Ang biktima ay sinaksak ng 30 beses.

Sa pamamagitan ng Extradition Request ng U.S. sa Department of Justice (DOJ) sa Pilipinas ay naging madali ang koordinasyon sa paghahanap sa suspek.

Noong Huwebes, Agosto 5, 2004 ng umaga nagkaroon ng koordinasyon sa bawat ahensya at bandang alas-3:30 ng hapon isinagawa ang operasyon sa pangunguna ng FBI Supervising Special Agent Albert Peltola, kasama sina Special Investigator Mario Garcia at Special Investigator James Tosoc ng NBI- Interpol, Col. Lee ng PACER kasama sa koordinasyon ang mga operatiba ng NBI- Calapan District Office sa pamumuno ni Chief Mario B. Minor.

Sa bisa ng warrant of arrest na ipinalabas ni Judge Guillermo Purugan ng National Capital Region Judicial Branch ng Maynila na may kasong murder ay nadakip ang suspek. (Ulat nina Edith Plata at Joy Cantos)

Show comments