Ang pondo para sa kalamidad ay inaprubahan sa ginanap na emergency meeting ng Sangguniang Panlalawigan noong Biyernes sa pangunguna ni Vice Governor Cesar Sarmiento.
Kabilang sa mabibiyayaan ng malaking halaga ay ang sinalanta ng bagyong "Dindo" na mga bayan ng Pandan, Baras, Gigmoto, Bagamanoc at San Andres.
Napag-alaman pa sa ulat na naibalik na ng First Catanduanes Electric Cooperative (FICELCO) ang daloy ng kuryente sa capital town ng Virac, habang ang SMART Communication ay nagsimula na ang serbisyo.
Nabatid na aabot sa 611 kabahayan sa Virac, Catanduanes ang winasak ng bagyong "Dindo", 70 porsiyento ng pananim at aabot sa P60,000 alagang hayop ang naapektuhan kabilang na ang P280,000 ari-arian ang nasalanta.
Patuloy namang dumadagsa ang tulong mula sa Department of Social Welfare and Development (DSWD) partikular ang tulong mula sa National Disaster Coordinating Council (NDCC) at ilang lokal na ahensya ng gobyerno sa Catanduanes.
Samantalang, kinilala naman ng Provincial Disaster Management office ang apat na biktimang nasawi na sina: Angel Calderon, Margarita Eustaquio na kapwa residente ng Pandan; Domingo Salvador ng San Andres at Rodolfo Frias ng Bagamanoc. (Ulat nina Celso Amo at Ed Casulla)