Kinilala ni National Anti-Kidnapping Task Force (NAKTAF) Chief Angelo Reyes ang nasakoteng suspek na si Feliciano Laygo, lider ng Laygo KFR syndicates sa bansa.
Sinabi ni Reyes na si Laygo ay may standing warrant of arrest sa serye ng kaso ng kidnapping ay nasakote ng pinagsanib na elemento ng NAKTAF, Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) at San Pablo City Police bandang alas-2:45 ng madaling-araw sa hideout nito sa Brgy. Lagalag, Tiaong, Quezon.
Nasamsam mula sa pag-iingat ni Laygo ang isang Thompson Submachine gun at cal. 45 na may isang magazine na puno ng mga bala.
Nabatid kay Reyes na ang grupo ni Laygo ang responsable sa pagdukot sa negosyanteng Tsinoy na si Sonny Tan sa San Juan, Batangas.
Lumilitaw pa sa imbestigasyon na sangkot rin ang grupo ni Laygo sa pagdukot kay Petronilla Lanting noong Abril 30, 2003; Danilo Tiu noong Mayo 23, 2003 at Rubilyn Chua noon namang Agosto 23, 2003.
Sa rekord ng pulisya, si Laygo ay minsan nang nadakip noong Agosto,1999 pero nakatakas kasama ang limang iba pa sa Quezon City Jail noong Pebrero 11, 2003.
Ayon pa kay Reyes, ang pagkakadakip kay Laygo ay resulta ng may isang buwang intelligence operations sa Tiaong, Quezon matapos magbigay ng impormasyon ang tipster na sibilyan sa kanila sa namataang presensiya ng suspek sa lugar. (Ulat ni Joy Cantos)