Koronadal bomber nasakote

COTABATO CITY – Bumagsak kamakalawa sa mga operatiba ng Midsayap police command ang pangunahing suspek sa Koronadal City bombing noong Hulyo 10, 2003 na ikinasawi ng tatlong sibilyan at ikinasugat naman ng marami pang iba.

Ang pagkakadakip kay Misuari Abpi ng mga tauhan ni P/Chief Insp. Eduardo Marquez ay naging dahilan para sa pagpapalabas ng P20,000 ni Koronadal Mayor Fernando Miguel bilang gantimpala.

Ayon kay Marquez, si Abpi ay kilala sa alyas na Dagudag at Manalo na umuugma sa cartographical sketch ng bomber na nagtamin ng bomba sa loob ng pamilihang bayan ng nasabing lungsod.

Hindi naman pumalag si Abpi makaraang dakpin ng pulisya habang pagala-gala sa nabanggit na barangay.

Inamin ni Abpi na siya ang nasa larawan at video tapes matapos na sumabog ang bomba sa naturang palengke.

Ang naganap na pagsabog noong Hulyo 10 sa Koronadal City ay ikaapat na sa naturang lugar simula noong Enero.

Nakikipagtulungan na rin ang Army’s 6th Infantry Division sa mga kagawad ng pulisya sa Koronadal City para matukoy na positibong sangkot din si Abpi sa nagaganap na malawakang pangingikil sa mga residente sa Central Mindanao. (Ulat ni John Unson)

Show comments