Cellular phone tower inatake ng NPA

CAMP VICENTE LIM, Laguna Muli na namang naghasik ng karahasan ang mga rebeldeng New People’s Army (NPA) makaraang salakayin ang cellular telephone tower sa Barangay Dapdap East sa hangganan ng Tagaytay-Calamba City kamakalawa ng gabi.

Anim na armadong hindi kilalang kalalakihan na pinaniniwalaang rebeldeng NPA ang biglang pumasok sa Globe telecommunications compound saka dinisarmahan ang nag-iisang guwardiyang si Roel M. Opena.

Mabilis na binuhusan ng gasolina ang air conditioner at radio set bago sinilaban ngunit ang cellular telephone tower ay hindi nakuhang wasakin dahil sa mabilis na pagresponde ng mga awtoridad.

Naitala ng pulisya ang pangyayari bandang alas-7:30 ng gabi matapos na magpakilalang mga pulis ang mga rebelde kaya naman mabilis na napasok ang naturang lugar.

Napag-alaman pa na isang alertong impormante ang nakatawag sa kanyang cellphone kaya napigilan ang pagkalat ng apoy.

May palagay ang mga awtoridad na patuloy na tumatanggi ang may-ari ng nabanggit na kompanya na magbigay ng revolutionary tax sa makakaliwang kilusan kaya pinupuntirya ang lahat ng kanilang tower station. (Ulat nina Cristina Go-Timbang/ Ed Amoroso/Danilo Garcia)

Show comments