Duguang bumulagta ang tatlong biktimang sina Jaime Badang Lanquibo, barangay chairman; Fidel Bandaayanon Yangcaag, at Teodolo Luna Caramat na pawang residente ng Barangay Uneon, Lingig, ng naturang lalawigan.
Malubha namang nasugatan si Artemio Inta na miyembro ng Civilian Volunteers Organization (CVO), samantala, positibo namang kinilala ng asawa ni Lanquibo ang suspek na si Rolando Tinod na mabilis na tumakas matapos isagawa ang krimen.
Base sa ulat na nakarating kahapon sa Camp Crame, nakatayo ang mga biktima sa harap ng barangay hall dakong alas-8:40 ng umaga nang dumating ang suspek na may hawak na shotgun.
Hindi na nakaporma pa ang tatlo dahil sa biglang nagpaputok ng dalang shotgun ang suspek na ikinasawi ng mga biktima.
May teorya ang pulisya na pinaghigantihan ng suspek si Lanquibo dahil nagsampa ng kasong frustrated murder ang biktima laban sa kanya. (Ulat ni Danilo Garcia)