Jeepney shop pinasabog ng NPA

Muli na namang naghasik ng lagim ang mga rebeldeng New People’s Army (NPA) makaraang pasabugan ng granada ang isang jeepney shop bago sunud-sunod na nagpaputok na ikinasugat ng isang sundalo sa Aurora kamakalawa ng madaling-araw.

Hindi naman kaagad nakilala ang sundalo na tinamaan ng ligaw na bala sa paglusob ng mga rebeldeng NPA.

Sa ulat na nakarating kahapon sa Camp Crame, naitala ang pangyayari bandang ala-1:20 ng madaling-araw matapos na hagisan ng granada ang Reyes motor shop sa Barangay Suclayin, Baler, Aurora.

Hindi naman makaganti ng putok ang mga nagrespondeng sundalo at pulis dahil sa takot na tamaan ang mga bahay ng residente na pinagkukublihan ng mga rebelde bago nagsitakas sa hindi nabatid na direksyon. (Ulat ni Danilo Garcia)

Show comments