Sinampahan ng kaso sa korte kahapon ang suspek na si Mohamad Ampatuan Banarin na iniulat na anak din ng alkade sa Maguindanao dahil sa pagbaril at pagpatay sa biktimang si Carlo Asistido.
Napag-alaman kay Arturo Manubag, bouncer sa Halo Stand-Up Bar na matatagpuan sa naturang lugar na may kaunting alitan na namagitan sa grupo ni "Jun-Jun" Paglas na anak naman ni dating Datu Paglas Mayor Ibrahim Paglas at grupo ni Banarin.
Ayon sa ulat na tinangkang awatin ni Asistido ang alitang namuo ngunit sa hindi maipaliwanag na dahilan ay binaril siya ng suspek na second year college student sa Universtiy of Mindanao.
Nabatid sa source na ayaw ipabanggit ang pangalan na si Banarin ay escorted ng miyembro ng Philippine Army na nagbigay ng baril na ginamit sa krimen.
Sinabi naman ni Davao City Mayor Rodrigo Duterte na hindi siya makikialam sa pangyayari dahil sa naisampa na sa korte ang kaso.
"But what I would like to emphasize to these people is that if they want to kill each other off, they can do it somewhere else and not here in Davao City," dagdag pa ni Mayor Duterte.
Kaagad naman ipinag-utos ni Mayor Duterte na magtatayo ng checkpoint sa labasan at lagusan sa naturang lungsod dahil sa ayaw niyang sinumang pagala-gala na nakapagdadala ng armas partikular na ang mga politiko.
Humingi naman ng tulong si Mayor Duterte kay Armed Forces Chief of Staff Roy Cimatu upang imbestigahan ang military personnel na escort ni Banarin na lumabag sa gun ban ng Commission on Elections (Comelec). (Ulat ni Edith Regalado)