Naganap ang pinakabagong sagupaan dakong alas-7:30 ng umaga habang nagsagawa ng pagpatrulya ang mga elemento ng Marine Battalion Landing Team 5 sa may bisinidad ng Brgy. Mahayhay nang matiyempuhan ng mga ito ang humigit kumulang na 100 armadong miyembro ng Abu Sayyaf.
Agad na pinaputukan ng mga bandido ang mga militar na gumanti naman ng putok na nauwi sa mainitang bakbakan.
Tumagal ng halos isang oras ang palitan ng putok hanggang sa umatras ang bandidong grupo matapos mapatay ang lima nilang kasama.
Ang pagpapatrulya ng mga militar sa nasabing lugar ay para magsagawa ng imbestigasyon ukol sa nakuha nilang ulat na dumaan doon ang kidnap victim na si Gracia Burnham.
Ayon kay Army Captain Rommel Pagayon, na noong Enero 23 ay namataan doon ng mga militar ang dalawang babae na nakasakay ng kabayo na pinaniniwalaang sina Mrs. Burnham at Filipina nurse na si Deborah Yap. (Ulat nina Joy Cantos at AFP)