AFP, nasa defense position pa rin

Mananatili sa pangdepensang-posisyon ang buong puwersa ng militar laban sa grupo ng National Democratic Front/Communist Party of the Philippines/New People’s Army (NDF/CPP/NPA) habang ipinatutupad ang Suspension of Military Operation o SOMO.

Ito ang inihayag kahapon ni Armed Forces of the Philippines (AFP) Spokesman Brig. Gen. Edilberto Adan kung saan sinabi nito na magiging vigilante pa rin ang buong tropa ng militar laban sa mga komunista.

Ayon kay Adan, ang hakbang ay habang ipinatutupad ang pansamantalang tigil-putukan mula sa kampo ng militar na inaasahang magtatapos ngayong Abril 12 ng taong kasalukuyan upang mabigyang daan ang nalalapit na paghaharap at pag-uusap ng mga kinatawan mula sa pamahalaan at liderato ng rebeldeng grupo kaugnay ng muling panunumbalik ng peace talks.

Kasabay nito, hindi nagbigay ng kumpirmasyon si Adan sa tunay na kalagayan ni Army Major Noel Buan hinggil sa balitang palalayain na ito ng mga rebelde mula na rin sa kautusan ni CPP-NPA-NDF Founding Chairman Jose Maria Sison. (Ulat ni Joy Cantos)

Show comments