7 ‘Termite Gang’ pinalaya

MANILA, Philippines - Inutusan ng piskalya na palayain ang pitong miyembro ng “Termite Gang” na tangkang manloob sa isang bahay sanglaan kamakailan matapos na walang makitang probable cause ang Pasay City Prosecutors Office sa kasong isinampa ng pulisya.

Sa tatlong pahinang resolusyon na inilabas ni Pasay City Assistant  Prosecutor Allan Mangabat, mahina umano ang naging basehan ng pulisya upang isampa ang mga kasong attempted robbery, malicious mischief at alarm and scandal kaya’t iniutos ang pagpapalaya sa mga nadakip na  sina Mark Campus; Florentino Manuel Jr.; magkapatid na Rodrigo at Rolando Yumul; Armando Leonardo Jr.; Marlito Segura; at Marlon Zafe.

Subalit,iniutos ni Mangabat ang pagsasagawa ng preliminary investigation laban sa pito sa mga kasong attempted trespass habang maaari pang isagawa rin ang preliminary investigation sa kasong malicious mischief kung sakali at maghahain ng reklamo ang Metropolitan Manila Development Authority (MMDA).

Sa resolusyon ay wala pang patunay na nagtatangkang nanloob ang mga dinakip na suspek kung kaya’t hindi maaaring isampa ang kasong attempted robbery habang wala namang basehan ang kasong alarm and scandal dahil nasa loob ng imburnal ang mga kinakasuhan at wala rin aniyang isinumiteng affidavit ang MMDA na magpapatunay na may nasirang gamit o imprastraktura ang mga suspek.

Magugunita na inabot ng pitong oras ang operasyon ng pulisya bago tuluyang lumabas ng imburnal ang mga suspek para sumuko.

Show comments