Nandaya sa sugal pinutol ang kamay

MANILA, Philippines - Isang driver ang pinutulan ng kamay ng kanyang mga kalaban sa sugal matapos umanong akusahan na nandadaya sa kanilang sugal na pusoy kamakalawa ng gabi sa Valenzuela City.

Kinilala ang biktima na si Johnny Ferrer, 39-anyos, ng Molina St., Viente Reales, ng naturang lungsod na ngayon ay ginagamot sa East Avenue Medical Center.

Agad namang naaresto ng mga rumespondeng pulis kasama ang mga barangay tanod ang isa sa suspek na si Lino Regilme, 43-anyos, at residente rin ng naturang lugar.

Sa ulat ng Valenzuela City Police, naganap ang insidente dakong alas-11:00 kamakalawa ng gabi sa isang lamayan sa lugar habang ang biktima at ang suspek ay nagsusugal kasama ang iba pang nakikipaglamay.

Nabatid na magkala­ban sa sugal na pusoy sina Ferer at Regilme nang magtalo makaraang akusahan ng suspek ang biktima na nandaraya.

Sinabi umano ng suspek na kaya natatalo siya ay dahil sa pandarayang ginagawa ng biktima, kaya sinita niya ito na nauwi sa pagtatalo.

Umuwi sa kanyang bahay si Regilme at nang bumalik ay armado na ng itak at tinaga si Ferrer. 

Sinalag naman ito ng biktima sanhi upang maputol ang kanyang kamay at mabilis na isinugod sa pagamutan ng iba pang nakikipaglamay sa patay.

Matapos ang insidente ay tinangkang tumakas ni Regilme ngunit nasakote ito ng mga rumespondeng kagawad ng barangay at pulisya.

Show comments