NAGPATULOY si Pete sa pagkukuwento ukol kay Jam. Si Marie naman ay nananatiling hindi makapaniwala sa mga sinabi ni Pete. Magagawa nga kaya ni Jam ang pagtataksil. Parang hindi siya makapaniwala. Pero minabuti niyang pakinggan si Pete.
“Hindi akalain ni Jam na naghihintay ako sa ganoong kalalim na gabi. Gulat na gulat siya nang pagbukas niya ng pinto ay nakaupo ako sa sopa sa salas at naghihintay. Sa ekspresyon ng mukha niya, halatang guilty. Para bang alam niyang may nalalaman na ako.
“Pero cool lang ako ng mga sandaling iyon. Hindi ko alam kung saan ako nakakuha ng ganoong lamig ng sarili. Kung sa iba marahil nangyari ang ganun na nahuling may kasama ang asawa at papasok sa motel, baka naghuramentado na.
“Sabi ko kay Jam, alam ko na ang lihim niya. Huwag na siyang tatanggi dahil nasundan ko sila. Huwag na siyang mangangatwiran pa dahil bistado na ang ginagawa niya.
“Nakatingin sa akin na parang natuklaw ng ahas si Jam. Hindi makakilos sa kinatatayuan. Sabi ko, bakit ginawa niya sa akin yun. Ano ang nagtulak sa kanya para ako kaliwain. Hindi naman ako nagkukulang sa kanya. Wala akong ginagawang mali sa kanya para gantihan nang ganoon. Bakit niya ako kinaliwa?
“Nanatili pa rin siya sa pagkakatayo. Walang kakilus-kilos. Ako naman ay nananatiling malamig.
“Hanggang umiyak siya at lumuhod sa harapan ko. Patawarin ko raw siya. Nagsisisi raw siya sa nangyari.
“Nakatingin ako sa kawalan. Ano ang gagawin ko? Litung-lito ako. Inaamin ko, mahal ko si Jam. Siya ang una kong minahal…”
(Itutuloy)