Sinsilyo (33)

“GUSTO mo nang kumain, Lolo Kandoy? Iinitin ko ang kanin at gulay,” sabi ni Gaude.

“Mamaya na. Dadalhin ko muna ito sa kuwarto ko at mabigat.’’

Tiningnan ni Gaude ang hawak na supot ni Lolo Kandoy. Mukhang mabigat nga. Ano kaya ang laman? Kaninang magkasabay sila sa paglalakad parang walang laman ang plastic at balewalang bitbit ng matanda pero ngayon ay halos tumagilid sa pagla-lakad. Mabigat ang dala. At ang sabi, sulit naman daw siya kahit na ginabi. Nahihiwagaan na siya. At isa pa ngayong araw na ito ay naglabasan ang mga matatanda maliban sa Kastilaloy na si Lolo Dune. Ngayon ay a-kinse ng buwan. Napapansin niya na tuwing a-treinta at a-kinse ay lumalabas si Lolo Kandoy ganundin ang ilang matan-da. Ano kayang meron ang a-kinse at a-treinta?

Ipinainit ni Gaude ang ginisang repolyo at ang kanin. Tamang-tama na ma­init na ay dumating si Lolo Kandoy bitbit ang pinggan.

“Damihan mo ang gulay, Gaude. Paborito ko yan. Tapos yung tutong ang ilagay mo. Gusto ko ang tutong.’’

“Matigas ang tutong Lolo, baka hindi kayanin ng ngipin mo.’’

“Kaya! Damihan mo lang ng sabaw at lalambot din ang tutong.’’

Sinunod ni Gaude. Hindi niya masusuway ang matanda na itinuring na niyang kaibigan.

‘‘Di ba ang bango ng tutong kapag sinabawan ng ginisang repolyo?’’

“Gusto mo dalawang GG, Lolo?’’

“Anong dyidyi?’’

Nagtawa si Gaude.

“Galunggong.’’

Napaumis si Lolo.

‘‘Isa lang. Baka matinik ako niyang dyidyi.’’

“Saan mo gustong kumain, dito o sa kuwarto na.’’

“Sa kuwarto na. Baka makita ako ni Mau ay magalit sa akin. Ayaw niyang may kumakain dito sa kusina o sa salas.’’

‘‘E bakit si Lolo Dune kumakain sa salas?’’

‘‘Takot siya kay Kastilaloy. Mumurahin siya ng ugok na yun. Matalim ang dila ng Kastilaloy akala mo. Akala mo kung sino.’’

Napangiti si Gaude sa sinabi ni Lolo Kandoy.

‘‘Sige, kakain na ako. Bukas anong oras ang pasok mo sa school?’’

“Alas dose po ako aalis.’’

‘‘Bibigyan kita ng baon. Dodoblehin ko. Di ba hindi kita nabigyan kanina?’’

Hindi agad makapagsalita si Gaude. Tumango na lamang siya.’

Umalis na si Lolo.

Naiwan si Gaude na nag­tatanong sa sarili:   Saan kaya kinukuha ni Lolo Kandoy ang iniaabot sa kanyang beinte-beinte?

(Itutuloy)

Show comments