Halimuyak ni Aya (145)

PINAGHIHINALAAN siya ni Tito Janno na may nangyari sa kanila ni Aya habang nanonood ng sine. Akala siguro ay sinamantala niya ang pagkakataon.

Napailing-iling si Sam. Naisip niya, ang sama talaga ng isip ni Tito Janno. Palibhasa ay gawain niya ang mambabae kaya ang tingin din niya kay Sam ay ganoon. Talagang nahahalata na mayroong pagnanasa kay Aya ang manyakis na lalaki at kaya siya iniimbestigahan ay baka nga naman naunahan na siya. Ngayon naisip ni Sam na tama lang ang desisyon ni Aya na magpakita ng inis at galit kay Manyakis. Tama si Aya na mapoot nang labis sa manyakis na asawa ni Mama Brenda. Hindi naman makapagpasya si Sam kung sasabihin kay Mama Brenda ang mga sinabi ni Tito Janno. O kay Aya na lang niya sabihin.

Kinabukasan, habang naglalakad sila ni Aya patungong school, sinabi niya ang mga sinabi ni Tito Janno. Inis na inis si Aya.

‘‘Napakasama talaga niya ano? Pinagdudahan ka na agad,’’ sabi ni Aya.

‘‘Akala siguro ay katulad niya ako.’’

‘‘Sinabi mo kay Mama.’’

“Hindi pa. Pinag-iisipan ko pa.’’

“Baka balewala rin kay Mama kapag sinabi mo.’’

“Yun nga ang iniisip ko.’’

ISANG gabi, nagrerebyu si Sam. Biglang ku­matok si Aya sa pinto.

‘‘Sam! Sam! Buksan mo ‘to !’’

Nagulat si Sam. Mabilis na binuksan ang pinto.

“Anong nangyari?’’ (Itutuloy)

Show comments