Motor nag-counterflow, salpok sa bus; 1 patay

Patuloy na inaalam ng pulisya ang pagkakakilanlan ng nasawing biktima na tinatatayang nagkakaedad ng 25-30 habang inoobserbahan sa pagamutan ang angkas nito na nasa 18-25 ang edad.
STAR/File

CAVITE, Philippines — Dead-on-the-spot ang isang lalaking rider habang kritikal ang angkas nito makaraang sumalpok ang sinasakyang motorsiklo sa kasalubong na bus habang bumabagtas sa kahabaan ng A. Soriano Highway, Brgy. Talibuyo, bayan ng Tanza, dito.

Patuloy na inaalam ng pulisya ang pagkakakilanlan ng nasawing biktima na tinatatayang nagkakaedad ng 25-30 habang inoobserbahan sa pagamutan ang angkas nito na nasa 18-25 ang edad.

Sa ulat ng pulisya, alas-4:10 ng madaling araw habang sakay ang mga biktima ng Yamaha motorcycle na may  plate number 6734VP at bumabagtas sa nasabing lugar nang maganap ang aksidente.

Ayon sa mga saksi, nag-counterflow ang mga biktima dahilan upang sumalpok ang kanilang motorsiklo sa kasalubong na Ata Liner Bus na may plakang DZ6500 at minamaneho ng isang alyas “Renato”, 42-anyos, residente ng Ternate, Cavite.

Sa lakas ng salpukan, kapwa tumilapon ang magkaangkas na biktima at wasak na wasak ang kanilang motorsiklo gayundin ang unahang bahagi ng bus sanhi ng agarang pagkasawi ng driver ng motorsiklo habang agaw-buhay sa pagamutan ang angkas na lalaki.

Nasa kustodya na ng pulisya ang driver ng bus.

Show comments