MANILA, Philippines — Patay ang isang 4-anyos na batang babae makaraang makulong ng apoy sa loob ng nasusunog nilang tahanan habang nasa 26 pang kabahayan ang naabo sa sunog sa Brgy. 1, San Carlos City, Negros Occidental, ayon sa ulat nitong Lunes.
Sa report, sinabi ni Fire Officer 2 Neil Bantillo, Chief arson investigator ng San Carlos City Fire Station, nasa 27 pang kabahayan ang natupok rin ng apoy sa insidente na nakaapekto sa 109 katao na naninirahan dito.
Sa nasabing insidente, isa ring matandang babae ang nasugatan na nagtamo ng paso sa braso, likod at balikat habang tinatangkang isalba ang ilan nitong mga kagamitan.
Bandang alas-3:03 ng hapon noong Sabado nang magsimula ang sunog sa bahay ng isang Norisa Era, 53-anyos, kapitbahay ng pamilya ng nasabing bata.
Ang sunog ay mabilis na kumalat na tumupok sa mga kabahayan dito na gawa sa mahihinang uri ng materyales.
Ayon sa imbestigasyon, ang bata kasama ang kaniyang lola at dalawang kapatid ay kasalukuyang natutulog nang mangyari ang sunog. Nagawang makatakbo palabas ng kanilang bahay ang 6-anyos na kapatid ng biktima habang siya at isa pa nilang kapatid ay binitbit palabas ng kaniyang lola.
Gayunman, hindi umano namalayan ng matandang babae na bumalik ang bata sa kanilang tahanan dahil natatakot sa sunog na katabi lamang ng kanilang bahay na sumunod ring natupok ng apoy.
Ang bangkay ng bata ay natagpuan ng mga bumbero sa kaniyang kuwarto sa isinagawang mopping up operations makaraang maapula ang sunog bandang alas-4:37 ng hapon.
Pansamantala, nanuluyan sa Brgy. 1 Evacuation Center, Joe Recalex Alingasa Jr. sa nasabing lungsod ang mga residenteng nawalan ng tahanan sa nasabing sunog.