BAGUIO CITY, Philippines — Pormal nang hiniling ni Abra Congresswoman Menchie Bernos sa House of Representatives-Committee on Natural Resources at Committee on Indigenous Peoples/Indigenous Cultural Communities na magsagawa ng imbestigasyon kaugnay sa gold exploration activities sa kanyang lalawigan, na aniya’y nakakaalarma dahil sa hindi nakonsulta ang mga apektadong indigenous Tingguians sa tatlong bayan.
Inihain nitong Martes ni Rep. Bernos ang House Resolution 2073 na humihiling sa Kamara na pumagitan upang mabigyang proteksyon ang mga ancestral lands ng Tingguians sa mga hilagang bayan ng Abra – ang Sallapadan, Licuan-Baay at Lacub, matapos na maipormahan na ang exploration permit ay naibigay na ng Mines and Geosciences Bureau (MGB) sa Yamang Mineral Corporation (YMC), ang subsidiary ng FCF Mineral Corporation of London, bagama’t dumaraing ang mga Tingguian IPs dahil hindi sila nakonsulta.
Ipinagtataka ni Bernos kung paano nabigyan ang YMC ng Authority to Verify Minerals (ATVM) ng MGB nang hindi kinukuha ang consent ng mga IPs sa nasabing area bilang legal requisite.
Nag-isyu na rin ng Cease-and-Desist letter si National Commission on Indigenous Peoples (NCIP) Cordillera Regional Director Atty. Roland P. Calde, sa YMC nitong nakalipas na mga araw na nagpapatigil sa exploration activities sa Abra dahil sa kabiguan ng YMC na kumuha ng Certificate of Pre-Condition (CP) sa Tingguian’s ancestral domain.
Pinagpapaliwanag din ni Atty. Calde si YMC Country Manager Luke Bowden na magbigay ng dahilan kung bakit hindi sila dapat kasuhan dahil sa paglabag sa Indigenous Peoples Rights Act (IPRA law).