Wanted sa pagpatay, panununog, kidnapping Abu Sayyaf may P600K patong sa ulo, arestado!

COTABATO CITY, Philippines — Bumagsak na sa kamay ng mga awtoridad ang isang miyembro ng Abu Sayyaf Group (ASG) na may patong sa ulo na P600,000, sa isinagawang police operation sa Isabela City, Basilan nitong Lunes ng umaga.

Sa mga hiwalay na ulat kahapon ni Brig. Gen. Bowenn Joey Masauding, director ng Police Regional Office-9, at ng Basilan Provincial Police Office, nasukol ng mga pulis sa tulong ng mga local officials ang wanted sa iba’t ibang kasong kriminal si Mobin Kullin sa ikinasang operasyon sa Barangay Tabiawan sa Isabela City pasado alas-9:00 ng umaga nitong Lunes.

Ang Department of the Interior and Local Government (DILG) at Department of National Defense (DND), sa pamamagitan ng joint DILG-DND reward order, ang nag-alok ng P600,000 na reward sa sinumang makatutulong sa pag-aresto kay Kullin, na wanted sa 21 na kaso kaugnay ng kanyang pagkakasangkot sa mga serye ng pagpatay, panunog ng mga bahay, at pag-kidnap ng hindi bababa sa 50 na mga residente sa mga bayan ng Basilan at sa dalawang lungsod na sakop nito, ang Lamitan at Isabela, at sa ilang mga bayan sa Zamboanga peninsula.

Ayon kay Masauding, hindi na pumalag si Kullin nang pakitaan ng mga warrant of arrest mula sa iba’t ibang korte sa Basilan, ng magkasanib na mga operatiba ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG)-9, Police Regional Office-9, Isabela City Police at ng Basilan Provincial Police Office. 

Show comments