MANILA, Philippines — Nagbabala nitong Sabado ang Office of Civil Defense (OCD) sa mamamayan hinggil sa posibleng pagdaloy ng lahar sa gitna na rin ng patuloy na pag-aalburuto ng bulkang Kanlaon sa Negros Island kaugnay ng malalakas na ulat na dulot southwest monsoon o habagat.
Una nang binayo ng malalakas na pag-ulan ang Negros Island at iba pang bahagi ng bansa sanhi ni Tropical Depression Ferdie na bagaman lumisan na sa bansa nitong Sabado ng madaling araw ay patuloy ang mga pag-ulan dulot ng habagat.
Sinabi ni OCD Spokesman Director Edgar Posadas, namonitor na ang pagragasa ng lahar o putok mula sa bunganga ng bulkan sa ilang mga lugar sa Western Visayas sanhi ng malalakas na pag-ulan.
Ayon kay Posadas, malalakas ang pag-ulan sa Western Visayas kaya hindi maiaalis ang posibilidad na dumaloy ang lahar sa mga lugar sa palibot ng bulkan lalo na sa idineklarang 4 KM danger zone at mga lugar na malalapit dito.
Nakikipag-ugnayan na ang mga lokal na opisyal sa Western Visayas sa kanilang mga counterparts sa Central Visayas Region upang tiyakin ang maayos na pagresponde sakaling mangyari ang pinangangambahang malakas na pagputok ng Bulkang Kanlaon.
Samantalang partikular namang minomonitor ay ang hangganan ng Negros Occidental at Negros Oriental na posibleng maapektuhan ng pagdaloy ng lahar.
“Sumusuporta ang OCD sa kanilang mga plano at pangangailangan ( bakwit) nila like food and non-food items, sa evacuation ( center )” , anang opisyal.
Sa kasalukuyan, na sa alert level 2 ang Kanlaon volcano at pinapayuhan ang mga residente na huwag lumapit sa idineklarang nasasaklaw ng 6 Km radius Permanent Danger Zone (PDZ).