P10.6 milyong sigarilyo mula Indonesia, samsam sa Sulu

COTABATO CITY, Philippines — Nasamsam ng mga pulis ang may P10.6 milyong halaga ng sigarilyo na mula Indonesia sa isang anti-smuggling operation sa Barangay Kajatian, Indanan, Sulu nitong Biyernes.

Sa pahayag nitong Lunes ni Brig. Gen. Prexy Tanggawohn, director ng Police Regional Office-Bangsamoro Autonomous Region, nasa magkatuwang na kustodiya na ng Indanan Municipal Police Station at ng Sulu Provincial Police Office ang nakum­piskang mga imported na sigarilyo.

Natagpuan ng mga pulis ang 297 na malalaking kahon na naglalaman ng mga siga­rilyo,  aabot ng P10.6 milyon ang halaga, sa isang bodega sa Sitio Smart, Barangay Kajatian sa tulong ng mga residenteng masigasig ang suporta sa kampanya ng PRO-BAR laban sa pagbebenta sa Bangsamoro region ng mga sigarilyong imported na walang pahintulot mula sa Bureau of Customs.

Isang lalaking nagbabantay ng warehouse kung saan nakaimbak ang mga nasamsam na mga sigarilyo ang agad na inaresto ng mga pulis sa naturang operasyon.

Inaalam na ng mga imbestigador kung sino ang negosyanteng nagmamay-ari ng nasabat na kontrabando.

Show comments